Isang makasaysayang tagumpay ang nakamit ng Bureau of Internal Revenue (BIR) nang maabot nito ang PhP2.848 trilyong Emerging Goal na target ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) para sa 2024.
“Sa loob ng mahigit 20 taon, ang BIR ay nagsikap nang husto upang maabot ang collection target ng DBCC,” ani BIR Commissioner Romeo D. Lumagui, Jr. “Ngayong 2024 nagbunga ng sipag at pagsisikap ng bawat isa sa aming mga kawani. Mabuhay po kayong lahat!”
Bagama’t kasalukuyang pinoproseso pa ang pinal na resulta, kinumpirma ng BIR na tiyak silang naabot ang Php 2.848 trillion na target. “Malalaman natin ang eksaktong halaga sa Pebrero, kaya’t inaasahan naming mahihigitan ba ang DBCC target,” dagdag pa ni Lumagui.
Ipagpatuloy pa ni Lumagui, “Ang pagkamit ng layuning ito ay hindi magiging posible kung wala ang suporta para sa mga programa sa buwis ng ating ahensya. Kami ay tapat sa pagpapalaganap ng mga repormang naaayon sa Good Governance.”
Maliban sa taong 2020 – kung kailan mababa ang target dahil sa pandemya – ito ang kauna-unahang pagkakataon sa loob ng dalawampung taon na naabot ng BIR ang kanilang layunin. Bukod dito, ito ay nakamit habang mabagal ang pagtaas ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa na umabot lamang ng 5.2% na mababa kumpara 6% noong nakaraang taon.
Simula nang maupo si Lumagui bilang pinuno ng BIR noong Nobyembre 15, 2022, siya ay kinilala sa kanyang hands-on na estilo ng pamumuno at sa pagsusulong ng kanyang apat na haligi ng mabuting pamamahala sa buong ahensya, na kinabibilangan ng: 1) matapang at agresibong mga hakbang sa pagpapatupad ng batas, 2) mahusay na serbisyo para sa mga nagbabayad ng buwis, 3) integridad at pagiging propesyonal tungo sa institusyon at mga empleyado nito, at 4) pagtutok sa digitalization.
“Pinadali natin ang proseso para sa mga Pilipino na magbayad ng kanilang buwis, kaya mas na-e-enganyo silang gawin ito, at ngayon ay nakokolekta ang tamang buwis sa tamang oras,” binigyang-diin ni Lumagui.
Sa ilalim din ng kanyang termino, ang BIR ay nakagawa ng malalaking hakbang sa paglutas ng ilegal na paggamit ng “ghost receipts” o ang paggamit ng pekeng resibo at invoice upang makaiwas sa buwis sa kita at value added tax (VAT).
Itinatag din ni Lumagui ang Run After Fake Transactions (RAFT) task force sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng ahensiya. Maliban sa mga ito, minarapat rin ni Lumagui na sumunod sa isang withholding tax system ang mga online store upang maging patas sa mga retail store na nagbabayad ng tamang buwis.
“Nagpapasalamat po kami kay Pangulong Marcos Jr. sa kanyang gabay at suporta. Kaya naman sinuklian namin ito ng gilas at husay sa aming trabaho. Mayroon na tayong epektibong sistema at pamamaraan ng pamumuno sa BIR,” ika ni Lumagui. “Magpapatuloy ang BIR sa pakikipagtulungan sa pribadong sektor at mga taxpayer. Kayo ang aming mga katuwang sa pagtataguyod ng bayan. Kung wala ang inyong suporta, hindi natin maaabot ang ating Php 2.848 trillion na target. Marami pong salamat sa inyong walang-sawang suporta sa amin,” aniya.