Tiangco: Responsibilidad ni Romualdez ang Flood Control Issue

Photo courtesy: Toby Tiangco facebook page

Sinabi ni Navotas lone district Representative Toby Tiangco na may command responsibility si dating House Speaker Martin Romualdez kaugnay ng mga di-umano’y insertion sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH), na iniuugnay kay dating Ako-Bicol Party-list Representative Zaldy Co.

Binigyang-diin ni Tiangco na wala siyang pinapanigan sa isyu at gusto lamang niyang ilahad ang mga pangyayaring, ayon sa kanya, ay totoong naganap. “Wala akong kinakampihan at pinagtatanggol, sinasabi ko kung ano ang tunay na nangyari, hindi para depensahan ang Presidente kundi para sabihin ang totoo. All of these would not have happened if hindi pinayagan ni Speaker. Ang direct command responsibility kay Zaldy ay si Martin,” ani Tiangco sa isang panayam sa radyo.

Ang pahayag ni Tiangco ay kasunod ng nauna niyang sinabi na kinumpronta ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sina Romualdez at Co kaugnay ng paglilipat ng unprogrammed funds sa mga proyektong sinasabing inaprubahan ng dalawa. Ayon kay Tiangco, hindi alam ng Pangulo ang mga naging hakbang nina Romualdez at Co, dahilan kung bakit sila pinagalitan.

“All of this will not have happened kung hindi pinayagan ni former Speaker Martin Romualdez. Kasi kung sasabihin natin command responsibility, the direct command responsibility was the command responsibility ng dating Speaker Martin Romualdez kay Zaldy Co. Yan yung direct na command responsibility eh. Kaya nga, napagalitan siya (ni Presidente),” dagdag pa niya.

Nanawagan din si Tiangco sa pamahalaan na paigtingin ang mga hakbang upang maibalik sa Pilipinas si Co, lalo’t may inilabas nang warrant of arrest laban dito. Aniya, maraming Pilipino ang nadidismaya dahil wala pa ring nahuhuling mga “big fish” kaugnay ng isyu.

Iminungkahi rin ni Tiangco ang pagpapadala ng isang team sa Portugal upang ipakita ang seryosong hangarin ng administrasyon na tugisin si Co. “Nakukulangan lang ako doon sa effort. Parang isang taong may warrant of arrest dito sa Pilipinas diba—pag mas pursiguido, mas malaki ang chansa. Maghanap-hanap na sila doon. Tanong-tanong sila ng mga Filipino community. Mag-imbestiga na rin sila pag nandoon sila in coordination with the law agencies sa bansa na yun,” ani Tiangco.

Ayon pa sa kanya, nasa Office of the Ombudsman na ngayon ang imbestigasyon sa mga umano’y anomalya sa flood control projects. Dagdag niya, umaasa siyang maipapasa ang ICI bill na kanyang inakda sa oras na magbalik ang sesyon ng Kongreso upang mas mapalakas ang mandato ng komisyon. “Lahat naka atang na sa balikat ng Ombudsman. Since kulang na ng personalidad yung ICI, wala silang katulong pagdating sa bagay na yun, hindi katulad nung buo pa yung ICI. But I hope pagbalik namin sa Congress, maipasa na yung ICI bill,” ani Tiangco.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Back To Top